Wednesday, August 31, 2011

gising


2:30 na ng umaga, isang malamig at maulang umaga. makalat na mesa, isang basong kape, at projects na nakatiwang-wang sa kung saan saan.

ang unang plano eh para magreview at gumawa ng plate. pero mas gusto ng isip at katawan ko na pumetix. walang disiplina sa sarili.

iniisip ko nga kung tama ba yung title ng blog na ito eh. rebirth ang huwala. tama nga siguro dahil parang namatay din yung paboblog ko dati, nahinto eh. marami kasing ginagawa at puro cheezy days lang ang mababasa ng mga mambabasa... kung merong nagbabasa.

isang tanong na biglang pumasok sa isip ko. bakit nga ba ako nagboblog, anong silbe nito. hindi ito yung mga blogs na nakikita ng tao tungkol sa lugar, sa tao, sa pagkain, at sa kung ano ano pa man na iba't ibang bagay na ine-endorse nila.

talaarawan. yan ang silbe nito para sa akin. labasan ng hinanakit sa mundo, sa mga naramdaman, sa lahat. wala akong ibang source ng output para sa lahat ng mga nakimkim ko. ito lang marahil at posible na ding isama mo na ang sound trip, pagkain, pagluto, pagsayaw. ay marami pala.

2:35 na. free flow lang ng utak. mas masarap pala yung ganito. saktong sakto sa timing, umuulan, medyo malamig, tahimik. solong solo ko ang mundo. wala akong ibang naririnig kung hindi yung tunog sa bawat pagtipa ng keyboard at mga patak ng ulan sa labas ng bahay. masarap sa pakiramdam, pero merong mga bumabagabag sa likod ng utak ko ngayon.

san kaya ako papunta?

hindi mamaya, dahil papasok ako. pero, san kaya ako papunta, patungo. san ako dadalhin. san at ano ang matutunan ko dito panginoon.

wala, itong talaarawan na ito ang sanggunian ko pag nawawala ako. madalas akong mawala. hindi alam kung saan pupunta, walang direksyon tulad ng ibang tao, na pagnangarap, yun yung tinatahak nila. gusto nilang maging engineer, gusto yumaman, gusto ganito, gusto ganyan.

pag ba simple lang ang pangarap, nawawala ang tao?

simple lang kasi ang pangarap ko. ang maging masaya, tunay na masaya. walang pressure galing sa magulang, sa kapatid, sa kaibigan, sa ka-ibigan.

maihahambing ko ang buhay ko sa kung paano ako kumain. mabilis kasi akong kumain, as in. ma-bi-lis. mga 5 minuto hanggang 10 minuto lang ako kung umupo sa hapagkainan. hindi ninanamnam ang pagkain. kain na parang hinahabol. pagkain na lumipas lang. pagkain na pantawid gutom.

hindi ko lang alam ha. kung ako lang yung ganito oh meron ding ibang tao na kagaya ko. pero ayun na nga. ganun yung buhay ko ngayon. habol ng habol, mabilis ang takbo, walang direksyon, hindi naeenjoy ang buhay.

natanga ako.

tumengga yung utak ko. 21 years old na ako ngayon. masasabi ko ba na nagenjoy ako sa buhay ko? paano ba madedefine na nagenjoy ako, hmmm, ang naaalala ko lang eh kapag umiinom ako kasama nung mga kaibigan ko, kapag kasama ko girlfriend ko. minsan, pagtahimik ako. siguro nga. mageenjoy ako kung magoobserve muna ako sa paligid ko. ewan ko.

2:45 am.

tama, simula ngayon. isasaisip ko na gumising ng madaling araw. para magblog. gigising ko yung natutulog kong utak.

marami pa din akong ginagawa, marami pa ding gagawin. pero hindi masamang ilagay dito kung ano ang nasa isip ko. pakiramdam ko nga, ganun at ganun pa din naman ang nilalaman nitong talaarawan na ito. pero ok lang.

september 1, 2011. simula ngayon. ayaw ko nang maging ningas kugon. iipunin ko lahat ng mga nasa isip ko at ilalagay ko dito sa talaarawan na ito. maaaring hindi araw araw. pero dapat madalas. para hindi rin maipon sa utak ko yung mga iniisip ko. pero mailagay dito, at balang araw

mabasa mo yung laman ng utak ko sa bawat panahon na ginugugol ko dito sa pagsusulat nito.

No comments:

Post a Comment